PASINUMO AT Promotor ng batang naujan
Bunso sa sampung magkakapatid, si ROSS DELGADO ay ipinanganak sa lugar na tinawag na Pugad Baboy sa Poblacion 1, Naujan. Ang kanyang ama na si Ricardo Garcia Delgado na isang peryante ay tubong Isla Verde, Batangas at ang kanyang ina naman ay si Virginia Boquio Manuba, isang labandera na taga Naujan mula sa pamilya ng Maderazo at Carandan.
Sya ay nag-aral ng Grade 1 sa Jose L. Basa Memorial School bilang salimpusa. Ngunit dahil sakitin, ito ay dinala ng kanyang mga kapatid sa Maynila. Nagtapos ng elementarya sa Ermita Catholic School bilang scholar at palagiang honor student. Nagtapos ng hayskul sa Agustin Gutierrez Memorial Academy (AGMA) sa Naujan, kung saan sya ay naging topnotcher naman sa noon ay NCEE.
Kumuha ng kursong Pilosopiya sa Colegio de San Juan de Letran sa Maynila. Dahil sa angking pagka-makabayan, maagang kumilos si ROSS sa larangan ng community organizing hanggang mapadpad ito sa Olongapo-Zambales area at duon nanirahan at nagkatrabaho sa SBMA bilang Community Relations Consultant. Naging General Manager din si ROSS ng isa sa pinakamalaking Transport Cooperative sa Pilipinas. Taong 2001 ng manirahan si ROSS sa Amerika.
Matapos ang matinding pinsalang tinamo ng Naujan sa Bagyong Nona taong 2015, nagdesisyon si ROSS DELGADO na muling bumalik sa bayang kanyang kapanganakan upang tumulong para sa pagtataguyod ng Kalikasan nito.


AKTIBISTA. Mula pa noong nag-aaral ng kolehiyo ay isa nang aktibista at lider estudyante sa Kalakhang Maynila. Kumilos upang maisabatas ang Magna Carta for Students at sa pagpigil sa Tuition Fee Deregulation Law na pahirap sa mga mag-aaral na mahihirap.
ORGANISADOR. Naging bahagi ng pagbubuo ng mga samahan sa Kalakhang Maynila at sa Central Luzon na kumakatawan sa mga masa at mahihirap.
PROMOTOR. Pasimuno at tagapagsalita ng grupong BATANG NAUJAN na pangunahing samahan sa bayan ng Naujan na nangunguna sa pagtatanggol sa kalikasan. Pasimuno rin at lider ng pang probinsyang samahang maka-kalikasan na SAMBAYANAN.

“Isulong ang kapakanan ng mga mamamayan, hindi ng iilan. Pangunahan ang pagkikipaglaban upang Ipagtanggol ang Kalikasan.”